Monday, March 27, 2017

Ako ang Daigdig ni Alejandro G. Abadilla




     Ito ay isang tula na isinulat ni Alejandro Abadilla na nagpapahayag ng sandamakmak na maaaring maging kahulugan ng tulang ito. ‘Ako ang Daigdig’ ay nagbigay ng daan tungo sa modernisasyon ng estruktura ng tula.

     Sa pagbabasa ko sa tulang ‘Ako ang Daigdig’ ay nakabuo ng dalawang maaaring maging kahulugan ng mga salitang inilimbag ni Alejandro Abadilla: pag-aaklas sa tradisyunal na sukat at tugma ng isang tula at ang pag-aaklas laban sa mga mananakop sa bansang Pilipinas.



1.)  Pag-aaklas sa Estrukturang Patula

     -          Mula pa man sa matandang panitikan ay nakaugalian na ng mga Pilipino ang pagbigkas ng tula na may sukat at tugma. Ngunit ang tulang ‘Ako ang Daigdig’ ni Alejandro Abadilla ay nagbukas ng maraming pinto tungo sa masining at malayang tula. Nilabag nito ang nakasanayang porma ng isang tula. Ipinakita ng tulang ito na maaaring walang sukat at tugma ang isang tula at maaaring maging malaya ang mga Pilipino sa pagsulat ng diwang gusto nating malaman ng mga tao.
 Ito ang estruktura ng ‘Ako ang Daigdig’ ni Alejandro Abadilla

ako

ang daigdig

ako

ang tula

ako

ang daigdig

ang tula

ng daigdig

ako

ang walang maliw na ako

ang walang kamatayang ako

ang tula ng daigdig


 2.)  Pag-aaklas Laban sa Mananakop ng Ating Bansa

      -          Paminsan-minsan ay nakakaligtaan natin ang mensaheng nakabaon sa isang tula at nahuhuli lamang ang ating atensyon sa porma at mga salitang ginamit nito.
Ang ‘Ako ang Daigdig’, para sa akin, ay tila nagpapahiwatig sa mga Pilipino na bumangon at huwag magpapa-api sa mga dayuhang sumakop sa bansa. Sa linyang ‘Ako ang tula ng daigdig’, sinasabi ni Abadilla na bawat isa sa ating, bilang tao, ay may karapatan sa sarili nating buhay, na tayo ang bumubuo sa daigdig, tayo ang sariling nating mga boses.Sa pamagat pa lamang ay nagpapakita na ito ng pagiging masigasig ng awtor na ipaglaban ang kalayaan hindi lamang ng panitikan kundi ng ating mga sarili. Bawat isa sa atin ay ang daigdig na nagpapa-ikot nito. Kalian man ay hindi dapat tayo matakot na isigaw ang dapat ay nararapat sa atin. 



Hindi ko man sinasabi na ang puntong inilahad ko ay katulad ng pag-intindi niyo sa tula ngunit ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang interpretasyon tungkol sa tulang ito at sa iba pa mang panitikan. Ito ang nakakapagpaganda sa isang tula, walang maling interpretasyon. Malaya tayong lahat na ilahad ang ating nauunawaan.


 Maraming salamat sa pagbabasa!

Ako ang Daigdig ni Alejandro G. Abadilla

     Ito ay isang tula na isinulat ni Alejandro Abadilla na nagpapahayag ng sandamakmak na maaaring maging kahulugan ng tulang ito. ‘Ako an...